Kapakanan ng mga guro, dapat tutukan ngayong National Teachers’ Month

Kaugnay sa pagdiriwang ng National Teachers’ Month ay isinulong ni Committee on Basic Education Arts and Culture Chairman Senator Win Gatchalian ang pangangalaga sa kapakanan at kaligtasan ng mga guro.

Diin ni Gatchalian, dapat iprayoridad ang pangangailangang pang-kalusugan ng mga guro upang masiguro ang matagumpay na pagpapatupad ng Basic Education Learning Continuity Plan kahit patuloy ang banta ng COVID-19.

Ayon kay Gatchalian, bagama’t hindi saklaw ng 2020 budget ang pagpapagamot ng COVID-19, ay tiniyak naman ng Department of Education (DepEd) na makatatanggap ng mga benepisyo mula sa PhilHealth ang mga guro.


Bukod aniya sa PhilHealth, nakikipag-ugnayan na rin ang DepEd sa Employees’ Compensation Commission at Government Service Insurance System (GSIS) para sa kapakanan ng mga guro.

Mahalaga para kay Gatchalian na maisapinal na ang mga ugnayang ito bago magsimula ang klase sa October 5 kung saan maaaring malagay sa panganib ang kalusugan ng mga guro kapag nagsimula na silang magpamahagi ng mga self-learning modules.

Hinimok din ni Gatchalian ang pamahalaan na agad ipamahagi ang cash assistance sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act (Bayanihan 2) para sa mga guro at non-teaching personnel na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Facebook Comments