Kapatid ni Jennifer Laude, inaming pinayuhan sila noon ni Pangulong Duterte na lumaban para sa hustisya

Inamin ng kapatid ng pinatay na transgender woman na si Jennifer Laude na nangako sa kanila si Pangulong Rodrigo Duterte na susuportahan ang kanilang pamilya sa kanilang legal battle laban kay United States Marines Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Si Pemberton ang pumaslang kay Laude noong 2014 at hinatulan ng 10 taong pagkakakulong ng korte noong 2015.

Ayon sa kapatid ni Jennifer na si Michelle, nagulat sila sa desisyon ni Pangulong Duterte na ipagkaloob kay Pemberton ang absolute pardon.


Aniya, hindi nila inaaasahan na kung sino pa ang nagsabing tutulong sa kanila, siya pa ang nagbigay ng pardon kay Pemberton.

Inalala ni Michelle noon na ipinaabot ni Pangulong Duterte ang suporta sa kanila sa pamamagitan ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang dati nilang legal counsel.

Nabatid na iginiit ni Pangulong Duterte na nakatanggap ng unfair treatment si Pemberton kaya nararapat lamang ito na makalaya matapos ang nasa limang taong pagkakakulong.

Samantala, sinabi ng abogado ng pamilya Laude na si Atty. Virginia Suarez na si Jennifer ang nabigyan ng unfair treatment at hindi si Pemberton.

Facebook Comments