Kapitan na Ama ng Isang Board Member, Kinasuhan

Cauayan City, Isabela- Nagsampa na ng pormal na reklamo ang isang ginang sa Sangguniang Panlungsod ng Cauayan laban sa barangay Kapitan ng District 3 kaugnay sa umano’y pagmamalabis sa kanyang kapangyarihan matapos na palitan umano ang ilang mga pangalan ng mga benepisaryo ng tulong financial galing sa DSWD na naapektuhan ng bagyong Ulysses.

Ayon kay Ginang Rosalina Recometa, isang biktima ng pagbaha noong tumama ang bagyong Ulysses sa Isabela at residente ng barangay District 3, inilista aniya ang kanyang pangalan na recipient subalit ng dumating ang pondo ay nawala na siya sa listahan at iba na ang inilagay na hindi naman umano apektado ng pagbaha.

Maging ang pamamahagi ng SAP ay inabuso umano ni Kapitan Melchor Meris sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa mga kamag anak, kakilala at mga tauhan ng barangay na hindi naman umano masiyadong naapektuhan ng pandemya dahil sa COVID-19.


Itinanggi naman ito ng Kapitan at handa aniya nitong harapin ang kaso laban sa kanya.

Si Kapitan Melchor Meris ay naging Kapitan sa pamamagitan ng law of succession matapos na manalo bilang Sangguniang Panlunsod ang nahalal noon na Kapitan na si SP Bagnos Maximo Jr.

Si Kapitan Meris din ang ama ng isa sa mga Board Member ng ika-anim na Distrito ng Isabela na si Sangguniang Panlalawigan Arco Meris.

Sa ngayon ay nakatakdang ipasakamay sa Komite ng konseho ng Lungsod ang reklamo para sa kaukulang pagsisiyasat.

Facebook Comments