Cauayan City,Isabela- Iginiit ni Kapitan Pablo Pabigayan ng Barangay Disimuray sa Lungsod ng Cauayan na walang katotohanan ang paratang na tinanggihan nito ang mga donasyong gulay mula sa isang grupo sa Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng iFM Cauayan sa kapitan, kanyang sinabi na mismong si SK Chairman Charleston Cruz ang nakipagtransaksyon sa grupo at ipinaalam lamang aniya nito sa kanya.
Sinabihan aniya ni kapitan na si SK Chairman nalang ang tumanggap ng mga tulong ng mga iba’t ibang klase ng gulay gamit ang sasakyan ng barangay.
Binigyang diin din nito na hindi dapat tinatanggihan ang pagkain o anumang ibinibigay na tulong.
Napag-alaman na nagkaroon umano ng ‘miscommunication’ sa pagitan ni SK Chairman Cruz at magbibigay ng tulong kung kaya’t wala silang nahintay na dumating mula sa sinasabing grupo.
Ayon pa sa Kapitan, kung hindi maidedeliver sa kanilang barangay ay ibagsak nalang muna sa kalapit na barangay at doon kukunin ang inilaan para sa Disimuray.
Masama umano ang loob ni Kapitan dahil sa kumalat na impormasyon na tinanggihan umano niya ang nasabing tulong.
Samantala, pinabulaanan ni Pabigayan na walang kinalaman ang dating alitan sa uploader na nagsasabing hindi nito tinanggap ang mga donasyong gulay.