Cauayan City, Isabela- Nagpaabot ng tulong ang mga kapulisan ng Regional Community Affairs and Development Division (RCADD) ng PRO2, katuwang ang LGU Tuguegarao City at ilang mga stakeholders sa mga pamilyang residente ng Sitio Avvut, Barangay Carig Norte sa nasabing Syudad.
Ayon sa Hepe ng RCADD na si Police Colonel Mario Malana, napili ang nasabing barangay sa kanilang bibigyan ng tulong gaya ng pagsasagawa ng BARANGAYanihan dahil karamihan sa mga nakatira sa lugar ay kinakailangan ng serbisyo ng gobyerno lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Nagtulong-tulong aniya ang bawat yunit ng PRO2, lokal na pamahalaan ng Tuguegarao at ilang mga organisasyon upang makalikom ng pondo na ibibigay para sa mga benepisyaryo.
Umaabot naman sa 64 pamilya ang nabigyan ng grocery packs, face masks at bitamina samantalang tumanggap din ng pagkain ang mga bata na handog ng isang NGO.
Ang Lingkod Bayanihan Program ng Police Regional Office 2 sa pangunguna ng Regional Director P/BGen. Crizaldo Nieves ay patuloy na isinasagawa ng bawat hanay ng pulisya sa rehiyon bilang pagtugon at suporta sa mamamayan sa gitna ng COVID-19 pandemic.