Inanunsyo ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya na pagkakalooban ng national government ng karagdagang 5,000 doses ng Sinovac vaccines ang Pasay City.
Sa harap ito ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan may naitala na ring anim na kaso ng African variant.
Ginawa ni Malaya ang anunsyo sa ginanap na ceremonial vaccination ng CoronaVac doses sa health workers ng Pasay City General Hospital.
Maging si Malaya ay sumalang na rin sa pagpapabakuna kanina.
Ayon kay Malaya, ang karagdagang 5,000 doses ng Sinovac na ibibigay sa lungsod ay mapupunta sa Pasay City General Hospital.
Ito ay bukod pa sa 300 doses na inilaan para sa 100 medical at non-medical workers ng Pasay.
Hindi naman personal na dumalo sa seremonya si Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano, na kakagaling pa lamang sa COVID-19, kaya lumahok na lamang siya sa pamamagitan ng teleconferencing.