Hindi na bibigyan pa ng pagkakataon ng pamunuan ng 502nd Infantry Brigade ang mga teroristang komunistang NPA na makagawa pa ng anumang karahasan dito sa lambak ng Cagayan.
Ito ang nais maisakatuparan ni Col. Laurence Mina, Commander ng 502nd Infantry Brigade ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa buong lambak ng Cagayan na siyang nasasakupan nito.
Naniniwala naman si Col Mina na sa pamamagitan ng tatlong Infantry Battalion at isang battalion ng Philippine Marines ay mapipigilan ang anumang masamang binabalak na gawin ng mga NPA.
Ipinag-utos din ng pinuno na paigtingin ang gagawing operasyon laban sa teroristang kumunistang NPA upang hindi sila mabigyan ng ispasyo sa anumang lugar sa nasasakupan ng 502nd Brigade alinsunod sa kautusan ng pangulong Duterte na tapusin na ang kaguluhan ng NPA.
Pinapaigting rin ng nasabing pamunuan ang tuloy-tuloy na pagsasagawa ng Community Support Program o CSP upang tulungan ang mamamayan at mailayo sa panghihikayat ng mga bandidong grupo.
Hinihikayat din nasabing pinuno ang mga mamamayan sa Lambak ng Cagayan na makipagtulungan sa pamahalaan upang makamit ang tunay na kapayapaan at nananawagan naman ito sa mga miyembro ng NPA na magbalik loob na sa pamahalaan dahil bukas lamang anya ang himpilan ng 502nd Brigade sa sinumang susuko.