Karelasyon ng babaeng driver na nakitang patay sa Laguna, kinidnap daw ng mga armadong suspek

Dinukot nitong Miyerkoles ng mga armadong lalaki ang nobya ng babaeng driver na nakitang tadtad ng saksak sa loob ng kaniyang sasakyan noong Hunyo, ayon sa Laguna Police.

Puwersahan umanong kinuha ng higit-kumulang 10 suspek si Meyah Amatorio, ang karelasyon ng pinaslang na si Jang Lucero, at pamangkin niya na kinilalang si Adrian Ramos sa loob ng kanilang compound sa Bay, Laguna nitong Miyerkoles ng tanghali.

Agad ipinagbigay-alam ng pamilya ni Amatorio ang insidente sa pulisya.


Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa naganap na pagdukot. Maliban sa paghahanap ng mga testigo, inaalam din kung may CCTV camera sa lugar upang matukoy ang mga nasa likod ng krimen.

Isa raw sa mga anggulong sinisilip din ng awtoridad ay ang pagkakadawit ni Meyah sa brutal na pagpatay kay Lucero.

Maaalalang dumulog sa NBI ang nanay ni Jang upang paimbestigahan si Amatorio na pinaghihinalaan nilang may kinalaman sa karumal-dumal na pangyayari. 

Mariin namang pinabulaanan ni Amatorio ang paratang laban sa kaniya. 

Unang nasangkot sa pagpaslang ang dating girlfriend ni Meyah na si Annshiela Belarmino pero kalaunan ay pinalaya ito dahil sa kakulangan ng karampatang ebidensya.

Facebook Comments