*Cauayan City, Isabela*- Nahaharap sa patung-patong na kaso ang isang karpintero matapos ang isinagawang OPLAN Bolilyo ng mga awtoridad bandang 2:30 ngayong hapon sa Brgy. Casigayan, Tabuk City, Kalinga.
Kinilala ang suspek na si Antonio Tumaneng Jr., 38 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Magsaysay, Tabuk City, Kalinga.
Ayon sa ulat ng Tabuk City Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na may isang grupo ang naglalaro ng Cara y Cruz na nagresulta ng pagkakaaresto sa suspek habang agad na tumakas ang iba pa sa di matukoy na direksyon.
Narekober naman sa pag iingat ng suspek ang tinatayang nasa 0.35 gramo ng pinaghihinalang shabu, pera na nagkakahalaga ng P280.00 at dalawang piraso ng five (5) peso coin.
Sasampahan naman ang suspek ng kasong paglabag sa PD 1602 o Illegal Gambling at paglabag sa Sec. 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.