Muling hinimok ng Department of Health (DOH) ang mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak kontra Polio at iba pang kahalintulad na sakit.
Kasabay ito ng pagdiriwang kahapon, October 24 ng #WorldPolioDay na naging pagsubok sa Pilipinas simula noong Setyembre 19, 2019 pagkatapos ng halos dalawang dekada ng pagiging polio-free.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, kailangang mapangalagaan ang mga kabataan sa bansa laban sa nakakahawang sakit na masosolusyunan gamit ang bakuna.
Ipinaalala rin ng kalihim ang nangyari noong 2020 kung saan halos kalahati ng mga kabataang Pilipino ang hindi nabakunahan kontra polio na nagresulta ng maraming pagkakasakit.
Una nang sinimulan ng DOH ang “Catch-up Routine Immunization” na susuporta sa adhikain na sinegundahan naman ng World Health Organization (WHO).