Cabatuan, Isabela – Pagbabayarin at papatawan ng parusa ang mga magulang ng mga kabataang masasangkot sa anumang krimen sa bayan.
Ito ang ordinansang isinusulong ngayon ng mga barangay kagawad sa bayan ng Cabatuan bilang tugon sa tumataas na bilang ng kaso ng pagnanakaw sa naturang lugar na kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Ayon sa panayam ng RMN Cauayan News Team kay Dr. Mario I. Acosta, Vice Mayor ng bayan, dahil umano sa menor de edad ang mga gumagawa ng nasabing pagnanakaw ay hindi nakakasuhan ang mga ito na nagiging sanhi ng paulit-ulit na pagkakasangkot ng mga pareho ring indibidawal sa nasabing masamang gawain.
Aniya, kung maipapasa ang iminumungkahing ordinansa, ang mga magulang umano ng mga kabataang mahuhuli ang pangunahing aako sa anumang kabayaran at kaparusahang ipapataw base na rin sa kung ano ang mapagkakasunduan ng magkabilang panig.
Nilinaw naman ni Dr. Acosta na nasa unang pagbasa pa lamang ang isinusulong na kautusan kung kaya’t marami pa umanong dapat isaalang-alang at pag-usapan ukol dito.