Cauayan City, Isabela- Ibinahagi ng hepe ng San Agustin Police Station na may mataas na katungkulan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang napatay na lalaki matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagsilbi ng warrant of arrest sa kanya sa Purok 7, Brgy. Palacian, San Agustin, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Prospero Agonoy, hepe ng pulisya, kanyang sinabi na si Renato Busania alyas ‘Andong’ ay regional officer ng CPP-NPA sa rehiyon dos at matagal nang miyembro ng makakaliwang grupo.
Nilinaw rin ni PMaj. Agonoy na hindi residente ng brgy. Palacian, San Agustin si Busania kundi siya ay taga Sitio Salay, Maddela, Quirino.
Inihayag din ng Hepe na kapatid ng nasawing NPA ang nahuling mag-asawa na Busania sa bayan ng Diffun sa probinsya ng Quirino.
Si Busania ay nakikituloy lamang sa bahay sa naturang lugar na pagmamay-ari ng isang negosyante na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Matatandaan kahapon ng umaga, Enero 26, 2021, nauwi sa palitan ng putok ng baril sa pagitan ni Busania at mga pulis ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban rito dahil sa kaso nitong Double Murder na nagresulta naman sa kanyang pagkamatay.
Base sa post mortem examination ng otoridad, nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril sa dibdib si Busania na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ang bangkay ni Busania ay kasalukuyang nasa isang punerarya sa bayan ng Jones at hinihintay na lamang ang pamilya para kunin ang kanyang labi.
Narekober naman sa crime scene ang isang granada, dalawang magazine at bala ng Caliber 45 na baril.