Tampok ang kasaysayan ng La Union sa isang exhibit na binuksan kasabay ng pagdiriwang ng ika-176 na anibersaryo ng pagkakatatag ng lalawigan kahapon, Pebrero 15, 2026, sa isang shopping mall sa San Fernando City.
Pinamagatang “Lagip ti Umili,” ang exhibit ay nagtatampok ng makukulay na selebrasyon ng La Union Foundation Anniversary sa paglipas ng mga taon, kabilang ang iba’t ibang aktibidad na nagpatibay sa diwa ng “agkaysa” o pagkakaisa ng mga mamamayan.
Matapos ang ribbon cutting ceremony na dinaluhan ng mga opisyal ng lalawigan at iba pang panauhin, sinundan ito ng walk-through kung saan nasilayan ang mga lumang larawan, memorabilia, at iba pang artifacts na nagpapakita ng paglalakbay ng La Union mula sa pinagmulan nito hanggang sa kasalukuyan.
Ang “Lagip ti Umili,” na nangangahulugang “collective memory,” ay nagsisilbing biswal na salaysay ng mahahalagang yugto, kultura, at pagbabago ng lalawigan sa paglipas ng panahon.
Bukas ang exhibit araw-araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi at tatagal hanggang Marso 1.










