Pinapatiyak ni Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera sa Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government na malakas at solido ang kasong isasampa sa mga sangkot sa pagpatay sa mamamahayag na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Hiniling ito ni Herrera sa Pambansang Pulisya kasunod ng pagsuko ng umano’y bumaril kay Lapid at pagkilala sa ilang kasabwat nito.
Ayon kay Herrera, dapat gawin ng PNP ang lahat upang matiyak na ang kasong isasampa nila ay hindi mababasura at magreresulta sa pagpapataw ng kaparusahan sa utak at mga sangkot sa krimen.
Diin ni Herrera, para makamit ito ay kabilang sa mga pangunahing dapat pagtuunan ng pulisya sa pagsasampa ng kaso ang solidong ebidensya, kasama ang testimonya at forensic evidence gayundin ang makatotohanan at mahusay na imbestigasyon.