Kaso ng COVID-19 Ngayong Holy Week, Inaasahang Bababa

Cauayan City, Isabela- Umaasa ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela na bababa ang bilang ng maitatalang panibagong kaso ng COVID-19 ngayong holy week dahil sa pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) Bubble sa probinsya.

Sa inilabas na Executive Order ni Isabela Governor Rodito Albano III, tatagal ang Bubble set-up hanggang April 5, 2021 na kung saan ay mahigpit na ipatutupad ang mga protocols sa ilalim ng GCQ ngayong paggunita ng Semana Santa.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Atty. Elizabeth Binag, Provincial Information Officer ng Isabela, inaasahan kasi aniya na maraming mga isasagawang aktibidades tuwing ginugunita ang Semana Santa kaya’t minabuti ng provincial government na higpitan ang pagpapatupad sa mga protocols na pinayagan ng IATF sa ilalim ng GCQ.


Sa pamamagitan nito, malilimita ang galaw ng mga tao lalo na sa mga non-essential travels upang mapigilan ang hawaan ng virus at lalong pagtaas ng COVID-19 cases sa probinsya.

Kabilang sa mga hindi muna pinapayagan sa ilalim ng GCQ Bubble set up ay ang mass gathering gaya ng religious gatherings; meetings, seminar at iba pang pagtitipon ng mahigit 10 katao; paglalaro ng basketball, volleyball; group biking o grupo ng may higit limang katao.

Mahigpit din na ipagbabawal ang pagsusugal gaya ng jueteng at STL at dine-in sa mga restaurants.

Para naman sa mga bibiyahe, tanging mga essential travels lamang ang pinapayagan.

Samantala, mas pinahaba na hanggang April 30, 2021 ang pagsasailalim ng Isabela sa GCQ batay na rin sa naging anunsyo sa public address ng Pangulong Rodrigo Duterte kagabi, Marso 29, 2021.

Facebook Comments