Kaso ng COVID-19 sa bansa, lumagpas na sa 16,000

Umabot na sa higit 16,000 ang kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ito’y matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng 1,046 na karagdagang kaso.

Sa tala ng DOH, nasa 16,634 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan 46 ay base sa test results na inilabas sa mga pasyente sa nakalipas na tatlong araw.


Nasa 1,000 naman ay batay sa test results na inilabas sa nakalipas na apat na araw o higit pa.

Ayon sa DOH, ang fresh cases ay mga test results na inilabas sa mga pasyente sa nakalipas na tatlong araw habang itinuturing na late cases ang mga test results na inilabas apat na araw o higit pa.

Aabot naman sa 3,720 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling sa COVID-19.

Nasa 11,069 ang active cases, kung saan 751 o 6.8% ang asymptomatic, 10,240 o 92.5% ang mild, 54 o 0.5% ang severe, at 24 o 0.2% ay nasa critical condition.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang backlog ay nabawasan ng 545.

Ang mga backlog ay mga COVID-19 test results na ilalabas pa lamang sa mga laboratoryo.

Una nang sinabi ng DOH na babaguhin nila ang paraan ng pag-uulat sa bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Facebook Comments