Inihayag ng OCTA Research Group na maaaring pumalo sa 20,000 kada araw ang maitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa sa susunod na linggo.
Ito ay matapos tumugma ang pagtaya ng OCTA na aabot sa halos 11,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong araw.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, posibleng dumoble ang bilang na ito sa susunod na linggo.
Gayunpaman, ito ay nakabatay pa rin aniya sa mga interbensyon na gagawin ng gobyerno at ang pagsunod ng publiko upang pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Dagdag pa ni David na sa ngayon ay sapat na ang pagsasailalim ng Alert Level 3 sa ilang lugar at ang paghihigpit sa mga hindi pa nabakunahan.
Samantala, sinabi naman ni OCTA Research Fellow Fr. Nicanor Austriaco na posibleng ang Omicron variant na ang simula ng pagtatapos ng pandemya.