Kasong kriminal laban sa magkapatid na Parojinog, naihain na sa korte

Manila, Philippines – Naihain na sa korte ang mga kasong kriminal laban sa magkapatid na Parojinog na naaresto sa isinagawang operasyon ng pulisya sa kanilang compound sa lungsod ng Ozamiz nuong Linggo ng madaling araw.

Ang kaso ay inihain sa Regional Trial Court ng Ozamiz City.

Sina Ozamiz Vice Mayor Princess Nova Parojinog at Reynaldo Parojinog Jr. ay kinasuhan sa korte ng illegal possession of firearms and ammunition na paglabag sa ilalim ng Section 28 ng Republic Act No.10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.


Sila ay ipinagharap din ng kasong possession of dangerous drugs na paglabag sa ilalim ng Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Karagdagang reklamo na illegal possession of explosives na paglabag sa Section 1 ng Republic Act 9516 ang inihain naman laban kay Reynaldo Jr.

Isinampa ang kaso sa korte makaraang magpasya ang DOJ na may probable cause ang reklamo ng PNP-CIDG.

Bagamat lagpas na sa reglementary period na 36 oras ang pagsasailalim sa magkapatid na Parojinog sa inquest proceedings, pinaburan ng DOJ ang dahilan ng PNP-CIDG na nagsabing ang pagkaantala ay bunsod ng isyu ng transportasyon at seguridad dahil kinailangan pang ibiyahe ang magkapatid na Parojinog patungo ng Maynila mula Ozamiz at kinailangan ding iproseso ang return of the warrant sa korte sa Quezon City na nag-isyu ng search warrant na pinag-ugatan ng operasyon sa mga bahay ng pamilya Parojinog.

Facebook Comments