
Itinuturing ng National Bureau of Investigation (NBI) na malaking porsyento ng kontrobersiyal na pagtatapon ng mga labi ng 25 alagang hayop sa San Jose del Monte, Bulacan ay nalutas na.
Ito ay matapos pormal na sampahan ng kaso ngayong Biyernes sa Department of Justice (DOJ) ang apat na pangunahing suspek.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, kinasuhan ng Environmental Crime Division (ENCD) ang may-ari ng pet crematorium sa Bacoor, Cavite pati na ang mag-asawang sub-contractor sa SJDM, Bulacan, at ang inutusang maglibing sa mga labi ng mga hayop.
Pinag-aaralan pa kung isasama ang isang alyas “Bombay” na tumulong umano sa pagbabaon.
Lumabas sa imbestigasyon na nagsimula ang modus nang mabigo ang mag-asawa sa Bulacan na ma-deliver ang cremation machine sa Bacoor facility kahit nakatanggap na ng partial payment, dahilan upang sa Bulacan na lamang ipadala ang mga patay na alaga para i-cremate.
Sa kasamaang palad, nang dumami ang mga bangkay ay basta na lamang itinapon at inilibing ang mga ito sa tatlong dumpsites habang nagbigay naman ang Ahhay Paws ng gawa-gawang abo sa mga nalokong pet owners.
Inihain ng NBI ang mga kasong Estafa at paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act, kasabay ng kahilingan para sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) laban sa tatlong suspek.
Maglalabas din ng subpoena ang ahensya sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang magpaliwanag kung paano nakakuha ng business permit ang mga pasilidad kahit walang sapat ito na kagamitan.










