Friday, November 6, 2026

Mga lugar na posibleng kapusin sa tubig dahil sa El Niño, isasailalim sa hazard mapping — Malacañang

Ipinag-utos ng Malacañang ang paggawa ng hazard maps upang matukoy ang mga lugar na higit na maaapektuhan ng El Niño sa unang bahagi ng 2027.

Inatasan ni Executive Secretary Ralph Recto ang mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na opisyal na tukuyin ang mga komunidad na dapat unahing paghandaan.

Kabilang sa mga binabantayan ang Pampanga at Cavite dahil sa posibleng kakulangan sa suplay ng tubig.

Inatasan din ang mga local government unit na tiyakin ang sapat na generator sets, solar power systems at imbakan ng tubig sa kanilang mga nasasakupan.

Ayon kay Recto, magkakaiba ang epekto ng El Niño sa bawat lugar kaya dapat nakaayon sa pangangailangan ng bawat komunidad ang paghahanda.

Pinag-aaralan din ng Palasyo ang pagrepaso sa Local Government Support Fund upang matulungan ang mga LGU na pondohan ang mga proyektong panlaban sa tagtuyot.

Facebook Comments