Kasong murder laban sa pulis na namaril ng isang ginang sa Quezon City, naisampa na

Nasampahan na ng kasong murder ang pulis na nakapatay sa isang 52-anyos na ginang sa Quezon City na si Police Master Sergeant Hensie Zimpanan.

Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) Inspector General Atty. Alfegar Triambulo.

Aniya, pormal na naisampa ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District sa Prosecutors Office ng Lungsod ng Quezon ang kasong murder laban kay Zimpanan.


Kaugnay nito, sinabi naman ni Triambulo na titiyakin niyang 20 araw lamang ang itatagal ng dismissal proceedings laban kay Zimpanan at magkakaroon agad ng resulta.

Sa ngayon aniya, gumugulong na ang pre-charge investigation laban kay Zimpanan dahil tumanggi na siyang maghain ng kontra salaysay.

Matatandaang una nang iniutos ni PNP Chief Pol. Gen. Guillermo Eleazar ang mabilisang pagsibak sa serbisyo at pagpapanagot sa batas kay Zimpanan dahil sa krimeng ginawa nito na isa namang dahilan para maging pangit ang imahe ng PNP sa publiko.

Facebook Comments