Kasong Pagpatay, Isinampa sa Isang Kagawad at Dalawa Pang Tanod!

Cauayan City, Isabela- Nasampahan na ng Kasong Murder ang dating Brgy. Kapitan na si Florante Baysa at dalawa pang Tanod na sina Marlon at alyas “Onyok” dahil sa pagpatay kay Romel De Guzman o mas kilala bilang “Buhawi” nitong ika-anim ng Abril sa Brgy. Batonglabang, Ilagan City, Isabela.

Ito ang inihayag ni Provincial Director Timoteo Rejano ng NBI sa ginawang panayam ng RMN Cauayan sa programang Straight to the Point kaninang umaga.

Batay sa ulat ni NBI PD Rejano, si Buhawi ay naging sumbungan umano ng kanyang kababayan at aktibo rin laban sa mga Illegal Loggers at nitong ika anim ng Abril ay pinagbabaril ito sa kanyang bahay ng dalawang suspek na sina Barangay Tanod Marlon at Onyok na pawang mga miyembro ng Guardians.


Aniya, bandang alas singko ng hapon ay inutusan ni dating kapitan Baysa na ngayon ay nanalong unang Kagawad sa naturang Barangay ang dalawang tanod na nag-iinuman kasama ang mga testigo na tapusin na ang buhay ni Buhawi kapalit ng halagang apatnapung libong piso.

Ayon pa kay NBI PD Rejano, habang inuutusan ni Baysa sina Marlon at Onyok ay bumatak pa ang mga ito ng Shabu bago ikinasa ang pagpatay kay Buhawi kung saan sumama sa mga ito ang mga testigo na mismong nakakita sa naturang pamamaslang.

Ibinahagi pa ni NBI Rejano, na bago pa ang Eleksyon ay kakandidato rin sana umano bilang Barangay Kagawad si Buhawi subalit pinatay na ito ng mga suspek bago pa ang Filing of Candidacy.

Samantala, Ipinasok na sa Witness Protection Program ang mga testigo para sa kanilang seguridad.

Facebook Comments