Friday, January 16, 2026

Kasunduan ng Globe at Starlink para sa mas malawak na internet sa mga liblib na lugar, sasaksihan ni PBBM

Sasaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglagda ng kasunduan sa pagitan ng Globe Telecom at Starlink ngayong umaga dito sa Globe Tower sa Bonifacio Global City.

Layunin ng kasunduan na palakasin ang internet at mobile connectivity sa bansa sa pamamagitan ng pagsasanib ng satellite at ground-based technology.

Inaasahang mapapabuti nito ang signal sa mga liblib, bulubundukin, at disaster-prone na lugar na matagal nang kulang sa maaasahang komunikasyon.

Pinangunahan ang seremonya nina Globe Chairman Jaime Augusto Zobel de Ayala at Globe President at CEO Carl Raymond Cruz, kasama si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda at Taguig City Mayor Maria Laarni Lopez-Cayetano.

Ayon sa Globe, mahalagang hakbang ang partnership sa Starlink upang mas mapalawak ang abot ng komunikasyon lalo na sa panahon ng kalamidad, kung kailan kritikal ang mabilis at tuloy-tuloy na koneksyon.

Samantala, bago naman dumalo sa ceremonial signing ng Globe at Starlink, pangungunahan din ni Pangulong Marcos ang inagurasyon ng 60 million liters per day o 60 MLD Aglipay Sewage Treatment Plant sa Barangay Old Zañiga, Mandaluyong City.

Ang proyekto ay bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang mapabuti ang wastewater management at pangalagaan ang kalusugan at kapaligiran sa mga urban na komunidad.

Facebook Comments