Nilinaw ngayon ng pamunuan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP na tanging pananahimik at panalangin ang kanilang tugon sa naganap na pambobomba sa Cathedral of Jolo kung saan maraming mananampalataya ang napaslang.
Sa pinalabas na pastoral statement ni CBCP President Romulo Valles, sinabi na ilang buwan na naoobserbahan ang kultura ng karahasan sa bansa.
Patunay aniya rito ang pambobomba sa jolo cathedral na may cycle of hate na sumisira sa Moral Fabric ng bansa.
Hindi rin itinago ng arsobispo ang tinatanggap na masasakit na salita laban sa simbahan.
Mistula aniyang katawan ng Panginoong Hesus ang simbahan na umiiyak gaya nang nangyari kay Saul ng Tarsus nang patungo ito sa Damascus, nasusulat sa banal na kasulatan.
Tahimik lamang aniya na kanilang minamasdan ang masakit na katotohanang ito na lubha nilang ikinalulungkot at kanilang ipinapanalangin.
Katulad aniya ng paalala ni Pope Francis na nagsasabi sa kanilang sa mga pagkakataong katulad nito, ang pinakamabuting tugon ay katahimikan at panalangin.