Cauayan City, Isabela- Naging matagumpay ang ginawang pagtitipon ng apatnaput anim (46) na mga lider ng katutubong Agta at Calinga kasama ang isang dating Cadre ng CPP-NPA sa himpilan ng 95th Infantry (Salaknib) Battalion.
Pinulong ang mga katutubo upang talakayin ang kanilang mga naging karanasan sa kamay ng mga teroristang NPA na gumalugad sa bayan ng San Mariano.
Inilahad ni Ms. Ivy Lyn Corpin na dating Cadre ng CPP-NPA at kilala sa tawag na alyas Ka Red na na rekrut noong siya ay nag-aaral pa lamang sa kolehiyo.
Ibinahagi ng dating Kadre kung paano alipustahin, yurakan ang karapatang pantao at kitilin ang mga walang kalaban-laban na mga sibilyan.
Inilahad din ni Corpin ang hirap na kanyang dinanas sa loob ng kilusan kasama ang mga katutubo sa Lambak ng Cagayan kung saan dito nasaksihan ang di-makataong gawain ng teroristang grupo.
Nakatuon ang usapin sa mga lider ng Katutubo dahil sila umano ang target ng armadong grupo kaugnay na kung saan karamihan sa mga sumuko sa himpilan ng 95th IB ay mga katutubong Agta at Calinga na nalinlang at napilitan lamang na umanib sa grupo ng mga rebelde.
Layunin ng isinagawang pagpupulong na mabigyan ng sapat na impormasyon at pagtibayin ang samahan ng mga katutubong lider upang hindi na sila malinlang ng CPP-NPA lalo na sa mga susunod nilang henerasyon.
Samantala, patuloy namang nananawagan ang kasundaluhan sa pangunguna ni LTC Carlos B. Sangdaan Jr. ,pinuno ng 95IB sa mga natitira pang kasapi ng NPA na huwag sayangin ang buhay bagkus ay bumaba na at magbalik-loob sa pamahalaan upang matamasa ang tunay na kapayapaan at kaginhawaan kasama ang kanilang mga pamilya.