Cauayan City, Isabela- Namahagi ng mga regalo ang Police Regional Office 2 (PRO2) sa mga mahihirap na pamilya at katutubong agta sa bayan ng Lasam, Cagayan sa pangunguna ng Regional Director Police Brigadier General Crizaldo Nieves.
Kasama rin sa kauna-unahang outreach program ng PRO2 sa lugar ang may bahay ni RD BGen. Nieves at Cagayan Police Office Provincial Director Police Colonel Ariel Quilang.
Aabot sa 400 food packs, 350 gift packs at assorted na mga damit ang ipinamahagi sa mga mahihirap na pamilya kabilang ang mga katutubong Agta partikular sa barangay Peru at Sicalao ng bayan ng Lasam.
Pinasalamatan naman ni RD Nieves ang mga indibidwal na nagbigay ng tulong at suporta para sa nasabing programa at kanyang tiniyak na maipagpapatuloy ng kapulisan ang ginagawang pagtulong sa mga pamilyang mahihirap lalo na sa mga nasa liblib na lugar sa rehiyon.
Samantala, ginawaran ni RD BGen Nieves ng Medalya ng Kagalingan si Police Captain Pablo Tumbali, Chief of Police at Police Master Ever Teppang ng PNP Lasam dahil sa kanilang mga malalaking accomplishments.