Cauayan City, Isabela-Tiyak na magkakaroon ng pagbabago sa usapin ng kalusugan ang mga bata na kulang sa nutrisyon matapos makatanggap ng libreng sariwang gatas ng baka ang 17 barangay sa Bayan ng San Pablo na nasimulan ng ipamigay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.
Ayon kay Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, ito ay bahagi ng nauna ng pangako ng gobernador para ihanda ang mga kabataan sa mas maayos na kinabukasan.
Bukod dito, tumanggap din ng libreng quail eggs o itlog ng pugo ang mga ito para mapanatili ang maayos na pangangatawan.
Nabenepisyuhan din ang mga buntis na ina, kasalukuyang nagpapagatas na makakatanggap ng dalawang beses sa isang linggo.
Ayon pa kay Binag, bahagi rin ito ng kampanya ng provincial government na BRO-LUSOG sa pamamagitan ng feeding program.
Giit pa ng opisyal, napapanahon ang sitwasyon ng bansa laban sa COVID-19 dahil na rin sa matinding pangangailangan ng mga bata para sa mas maayos na pangangatawan at malabanan ang anumang uri ng sakit.
Sinimulan na ang nasabing distribusyon ng gatas nito lamang June 25, 2020 kung saan nasa 1,000 litro ng gatas ang makokonsumo kada linggo.
Kabilang din sa mga nabiyayaan ang mga batang Agta malapit sa kabundukang sakop ng Sierra Madre Mountain.