Matagumpay na idinaos sa Lungsod ng Alaminos, Pangasinan ang kauna-unahang Hundred Islands OFW Summit cum Seminar on Entrepreneurial Development for OFWs and Their Families noong Nobyembre trese.
Ginanap ang nasabing pagtitipon sa Don Leopoldo Sison Convention Center na dinaluhan ng mga Overseas Filipino Workers at kanilang mga mahal sa buhay.
Sa pakikipagtulungan ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA, layunin ng pagtitipon na mabigyan ng dagdag na kaalaman, pagsasanay at oportunidad sa pagnenegosyo ang mga Overseas Filipino Workers o OFWs at kanilang mga pamilya upang magkaroon ng mas matatag at pangmatagalang kabuhayan.
Sinusuportahan naman ni Mayor Arth Bryan Celeste ang naturang inisyatiba bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na mapalawak ang oportunidad pangkabuhayan para sa mga OFW at kanilang pamilya, lalo na sa paghahanda sa kanilang buhay matapos ang pagtatrabaho sa ibang bansa.
Pinangunahan ang programa ng Public Employment Service Office o PESO ng Alaminos City, katuwang ang OWWA Region 1, Department of Migrant Workers Region 1 at Department of Trade and Industry Region 1.
Layunin nitong mahikayat ang mga OFW at kanilang pamilya na magkaroon ng sariling negosyo at mapalago ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng wastong kaalaman at suporta mula sa pamahalaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








