TATLONG MAGPIPINSANG MENOR DE EDAD, NASAWI MATAPOS MALUNOD SA HUKAY NA MAY NAIPONG TUBIG SA STA. BARBARA

Nasawi ang tatlong menor de edad na magpipinsan matapos malunod sa isang hukay na may naipong tubig sa Barangay Payas, bayan ng Sta. Barbara, Pangasinan noong Nobyembre 14, 2026.

Ayon kay PLTCOL Michael Datuin, Chief of Police ng Sta. Barbara Municipal Police Station, dakong alas-dose ng tanghali nang magpaalam ang tatlong bata sa kanilang mga magulang na maliligo sa isang patubig sa kabukiran.

Pumayag naman umano ang kanilang mga magulang, subalit makalipas ang dalawang oras ay nagtaka na ang mga ito nang hindi pa rin nakakauwi ang tatlong magpipinsan.

Dahil dito, pinuntahan sila ng kanilang tiyuhin sa lugar na pinaglanguyan ngunit hindi na niya natagpuan ang mga bata.

Bumalik umano ang tiyuhin sa kanilang tahanan upang ipaalam sa mga magulang ang pagkawala ng tatlo bago muling nagsagawa ng paghahanap, kabilang sa bahagi ng malalim na hukay na may naipong tubig, kung saan natagpuan ang mga biktima.

Agad namang rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at isinugod sa isang ospital sa Dagupan City ang tatlong menor de edad.

Gayunman, idineklara silang dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, mariing nagpaalala ang pulisya sa mga magulang na bantayan palagi ang kanilang mga anak lalo na kung nasa edad kung saan nangangailangan pa ng paggabay at pagbabantay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments