Cauayan City, Isabela- Mahigpit na binabantayan at isinasailalim sa round-the-clock monitoring ngayon sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang isang babae matapos na makitaan ng mga sintomas ng nakamamatay na novel Coronavirus.
Ito ang kinumpirma ni Doctor Rio Magpantay, ang Regional Director ng DOH Region 2 sa isinagawang press conference kanina.
Ayon sa kanya, ang 29 taong gulang na babae na isang domestic helper ay dumating noong January 24, 2020 mula sa Hongkong ay itinuturing na ngayon na isang patient under investigation o PUI dahil nakitaan ito ng ilang mga sintomas ng nCoV.
Sa ngayon ay nasa pinaka mataas na alerto ang DOH Region 2 upang tugunan at maiwasan ang naturang sakit.
Inalerto na rin ng DOH Region 2 ang kanilang regional epidemiology surveillance team (RESU) upang hanapin ang mga taong maaaring nakasalamuha ng naturang biktima.
Nanawagan naman ang naturang opisyal na manatiling mahinahon at maging mapagmatiyag kaugnay sa naturang insidente.
Hiniling din ng nasabing opisyal na panatilihin ang kalinisan sa katawan at palakasina ang immune system upang malabanan ang ibat-ibang uri ng sakit tulad ng 2019 nCoV.