
Nakapagtala na ang Quezon City ng kauna-unahang measles-related death ngayong taon.
Sa ulat ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division, pumanaw noong March 25 ang isang apat na buwang gulang na sanggol mula Barangay Loyola Heights matapos magkasakit ng tigdas na nagkaroon ng komplikasyong pneumonia.
Dahil dito, nagpapatupad ang lokal na pamahalaan ng outbreak response immunization, active case finding, at pinaigting na pagbabakuna para sa mga batang edad 6 hanggang 59 buwan.
Hinimok naman ng Quezon City Health Department ang mga magulang na tiyaking mababakunahan ang kanilang mga anak at agad na magpatingin kung may sintomas ng tigdas.
Ang tigdas ay isang nakahahawang sakit na dulot ng virus na karaniwang may kasamang lagnat, ubo, sipon, pamumula ng mata, at pantal na nagsisimula sa mukha bago kumalat sa buong katawan.
Pinapayuhan ang publiko na umiwas sa matataong lugar at sa mga may sakit upang maiwasan ang hawaan.
Samantala, as of April 1 ngayong taon, umaabot na sa halos 2,000 katao ang tinamaan ng dengue sa Quezon City, kung saan 11 katao na ang nasawi.










