Kinalampag ni Senator Raffy Tulfo ang Office of the Press Secretary (OPS) at ang pamunuan ng People’s Television Network Inc. (PTNI) na aksyunan ang kawalan ng dagdag na sahod at ang nakakaawang sitwasyon ng mga empleyado ng government TV station.
Sa pagdinig ng 2023 budget ng OPS sa Senate Finance Committee, tinukoy ni Tulfo na 20 taon na ang nakalipas mula nang maging empleyado at magsimula siya sa PTV4 noon ay wala pa ring itinaas sa sahod ng mga empleyado ng istasyon.
Aminado si OPS-Broadcast Media Services Usec. Rowena Reformina na walang paggalaw sa sweldo ng mga tauhan ng PTNI sa nakalipas na 15 taon.
Kailangan aniya ng bagong table organization na inaprubahan ng Governance Commission for GOCCs (GCGs) para sa promotion at salary increase ng mga tauhan.
Pero ayon kay Reformina, ilang araw bago maupo sa OPS ay agad silang nagsumite ng bagong “table of organization” sa tulong na rin ng Development Academy of the Philippines.
Magkagayunman, maghihintay pa ng dalawang taon kaya humingi na ng tulong ang OPS at ang PTNI sa Senado para mapabilis ang pagsasaayos sa salary grade ng mga tauhan ng government station.
Maliban sa sweldo, sinita at pinaaksyunan din ni Tulfo sa OPS at PTNI ang mga sira-sirang pasilidad at kakulangan sa kagamitan ng PTV4.
Kabilang sa mga ipinakita ni Tulfo na video sa pagdinig ang masikip na parking lot, mga upuan na nakakatali sa cabinet, tumutulong bubong, hindi maayos na banyo, kusina at pantry.
Sa 2023 budget, aabot lamang sa ₱125.159 million ang pondo ng PTNI habang ₱1.16 billion naman ang pondo ng OPS at mga attached agencies at GOCC nito.