Kawalan ng inquest proceedings sa mga pulis na dawit sa krimen, pinaiimbestigahan na rin

Hiniling na rin ng Bayan Muna sa Kamara na imbestigahan ang kakulangan ng inquest proceedings sa mga pulis na nasasangkot sa krimen.

Duda tuloy si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na posibleng bahagi rin ng ninja cops modus ang kawalan ng inquest proceedings sa mga pulis lalo na ang mga dawit sa anti-drug operations.

Sa budget deliberation ng DILG sa Kamara, natuklasan na sa 5,793 drug suspects na napatay ng mga pulis, 253 PNP Officers lamang ang sumailalim sa inquest proceeding.


Sinabi pa ni Gaite na maraming mga pulis ang nakakalusot sa krimen lalo na ang mga inosenteng napapatay dahil wala nang magsasalita laban sa mga ito.

Dapat aniyang masilip ang kawalan ng inquest proceedings sa mga pulis na sangkot sa Tokhang operation dahil malinaw na posibleng may paglabag dito ang mga officers at members sa kanilang sariling investigation procedure.

Hinihiling din sa gagawing imbestigasyon na ipatawag si Senator Bato dela Rosa na biglang nanahimik nang maungkat naman sa Senado ang GCTA at ninja cops issue.

Facebook Comments