
Nilinaw ng Malacañang na walang kinalaman ang anumang hindi pagkakaunawaan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Senador Imee Marcos sa kawalan ng security detail ng senadora mula sa Presidential Security Command o PSC.
Ito ay matapos aminin ni PSC Commander Rear Admiral Andro Val Abayon sa pagdinig ng Commission on Appointments na walang naka-assign na tauhan ng PSC kay Sen. Imee, kahit kasama sa mandato ng kanilang tanggapan ang pagbibigay ng seguridad sa First Family, kabilang ang mga kapatid ng pangulo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi ugali ng pangulo na magkimkim ng galit o gumanti, kahit pa may mga pahayag laban sa kanya ang kapatid.
Gayunman, hindi na nagbigay ng detalye ang Palasyo kung bakit walang nakatalagang security team sa senadora at sinabi na mas makabubuting ang PSC ang magpaliwanag sa usapin.
Sa parehong pagdinig, sinabi ni Abayon na pag-upo niya bilang PSC Commander ay wala na talagang naka-deploy na security personnel kay Sen. Imee, ngunit tiniyak niyang handa silang magtalaga ng seguridad kung kinakailangan, alinsunod sa kanilang mandato.










