KAWALAN NG TITULO SA COMPOUND NG MINANTE 2 BRGY. HALL, BALAKID SA PAGTATAYO NG INFRASTRUCTURE PROJECTS

Cauayan City – Hindi pa rin makausad sa pagtatayo ng panibagong gusali bilang Multi-Purpose Building ang Brgy. Minante 2, Cauayan City dahil sa kawalan ng titulo ng lupa sa lugar.

Sa naging panayam ng IFM News Team kay Saturnino Aggarao na siyang kapitan sa nabanggit na Barangay, sinabi nito na sa kasalukuyan ay dinidinig pa lamang sa korte ang kaso ng dalawang pamilya na nagsasabing sila ang nagmamay-ari ng lupa kung saan nakatayo ang nabanggit na barangay hall maging ang community center.

Aniya, isa sa kanilang propose project ay ang 3-storey Multi-Purpose Building subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito maaprubahan dahil isa sa requirements ng COA ngayon ay ang pagkakaroon ng titulo ng lupa kung saan itatayo ang infrastructure project.


Aniya, galing sa donasyon ang lupa subalit noon ay wala pang deed of donation dahilan kaya walang dokumento ang compound ng Brgy. Hall.

Sa ngayon, bumili ang pamunuan ng Brgy. Minante 2 ng container van upang magsilbing pansamantalang opisina ng Sangguniang Kabataan Officials at mga Brgy. Tanod.

Gayunpaman, nakausap na umano ng kapitan ang dalawang nagce-claim ng lupa at oras na matapos ang kaso ay handa naman umano silang ibenta ito sa barangay.

Facebook Comments