Nakaligtas sa aksidente ang Kapuso star na si Ken Chan matapos mabangga ng isang van ang likurang bahagi ng kotse niya sa Timog Avenue, Quezon City nitong Miyerkoles ng hapon.
Batay sa ulat ng “24 Oras,” sugatan ang driver ng L300 van na kinilalang si Benjamin Muyrong Jr. at pahinanteng si Enrique Acutayan na agad isinugod sa East Avenue Medical Center.
Ayon kay Chan, pauwi na siya galing sa isang commitment nang biglang may sumalpok sa minamanehong sasakyan.
Sa lakas ng impak ay nayupi ang unahang parte ng L300 van na naging dahilan ng pagkakaipit ni Muyrong. Nagtamo naman ng galos at pasa sa katawan ang kasamahang si Acuyatan.
Kaagad rumesponde sa lugar ang isang ambulansya upang tulungan ang mga sugatang indibidwal.
Masuwerte namang hindi nasaktan ang personalidad sa insidente.
Sa kabila ng pangyayari, wala raw balak si Chan na magsampa ng kaso laban sa drayber na aksidenteng nakasalpok sa kaniya.
“Naawa ako kay manong alam ko may katandaan na siya, hirap na hirap siya habang tinutulungan na maalis sa pagkakaipit, nakita ko namamaga ang dibdib niya dahil sa natamong pinsala,” anang GMA-7 artist.
“Sana maayos ang lagay niya at sana hindi masyadong malala ‘yung mangyari sa kaniya kasi nagtatrabaho rin po ‘yung tao,” pagpapatuloy niya.
Panawagan ni Chan sa mga kapwa-motorista, doble-ingat sa pagmamaneho ngayong panahon ng community quarantine.