Dumating kaninang pasado ala-una ng hapon, Disyembre 10, 2018, sa pamamagitan ng Air Force transport plane ang labi ng namatay na sundalo sa naganap na enkuwentro sa Abu Sayyaf sa Barangay Bungkaong, Patikul, Sulu noong Disyembre 7, 2018.
Ang namatay na sundalo na si Corporal Herald Tomas Marayag ay tubong San Guillermo, Isabela at kasapi ito ng 21st IB sa ilalim ng 501st Brigade na isang yunit ng 5ID na naipadala sa Mindanao ilang taon na ang nakakalipas upang tumulong sa pagbabantay ng kapayapaan sa naturang lugar.
Binigyan ang napaslang ng sundalo ng isang seremonya ng 5ID, PA bilang pagkilala sa kanyang pagbubuwis buhay sa Sulu.
Kasama ang mga kapamilya, pinangunahan ni Col Valentine G Gironella ang Assistant Division Commander ng 5th ID, Philippine Army ang pagsalubong at kanyang inihatid ang mensahe ni 5th ID , Philippine Army Commander na si MGen Perfector M. Rimando Jr.
Ipinaabot ang pakikipagdalamhati ng buong dibisyon sa pagkamatay ni Corporal Marayag at kinilala ang katapangan at kagitingan nito na umano ay maiuukit sa kasaysayan ng 5th Infantry Division.
Tiniyak din sa pamilya ng namatay na sundalo ang paghahatid tulong ng militar bilang ayuda ng pamahalaan sa kabayanihan nito.
Pagkatapos ng pagbabasa ng mensahe ay binigyan ng matikas na saludo ang bangkay na nakalagak sa isang kabaong na may nakapatong na bandila ng Pilipinas.
Ang namatay na sundalo na si Corporal Marayag ay may naiwang dalawang anak sa kanyang maybahay na si Ginang Jonalyn Marayag.