Sa ikalawang pagkakataon sa loob lamang ng tatlong araw, muling isinailalim sa random drug test sa FIBA World Cup ang point guard ng Gilas Pilipinas na si Kiefer Ravena.
Napili si Ravena, kasama si Gilas forward Japeth Aguilar sa drug test nitong Linggo, bago ang laban nila kontra Serbia, Lunes ng gabi.
Matatandaang pinatawan ng Fiba ng 18 buwang suspensyon si Ravena matapos magpositibo sa substance na ipinagbabawal ng World Anti-Doping Agency (WADA) na nanggaling sa iniinom niyang energy drink.
Kaugnay nito, inasahan na aniya ng basketbolista na isasalang siya sa drug test sa World Cup, ngunit ikinagulat niya nang dalawang beses mapasama.
“It was just in consecutive days so I was a little bit surprised, my name being there,” ani Ravena.
Para naman kay Gilas head coach Yeng Guiao, tila “hindi na random” at sinadya na ang pagpili kay Ravena.
“Wala naman tayong tinatago kaya okay lang sa atin,” depensa ni Guiao.
Katatapos lamang ng suspensyon ni Ravena nitong Agosto 24.