Kilos-protesta, isinagawa ng ilang grupo sa lungsod ng Maynila

Nagsagawa ng kilos-protesta ang militanteng grupong Anakpawis kasama ang PISTON sa kahabaan ng España Blvd. sa lungsod ng Maynila.

Ito’y upang hamunin ang kasalukuyang administrasyon na gumawa na ng hakbang para masolusyunan ang patuloy na pagtaas ng presyon ng petrolyo kasabay ng pagtaas ng bilihin.

Dahil sa nasabing pagtaas ng halaga, hindi na makayanan ng ordinaryong manggagawa lalo na ang mga may pamilya ang araw-araw na gastusin.


Iginigiit ng grupo na kung gugustuhin ng Pangulong Rodrigo Duterte, maaari siyang maglabas ng Executive Order para suspindihin ang excise tax sa langis.

Pero pahayag pa ng grupo, napipigilan lamang daw ang pangulo ng mga economic managers nito na suspindihin ang excise tax dahil mababawasan ang kita ng gobyerno.

Bukod sa kilos-protesta ngayong araw, magkakasa sila ng iba pang pagkilos katuwang ang iba’t ibang sektor kaugnay sa nararanasang pagtaas ng presyo ng langis.

Isa na rito ang grupo ng mga mangingisda kung saan sabay-sabay silang hindi magpapalaot habang ang mga magsasaka naman ay hindi muna magtatrabaho para ipanawagan ang pagbaba ng presyo ng langis at abono.

Inikot naman ng mga nagkilos-protesta ang ilang bahagi ng Maynila upang ipaabot sa publiko ang kanilang mga panawagan at mga hangarin.

Facebook Comments