Kilos Protesta ng mga Kabataan sa Kalinga, Ikinabahala ng Militar

Cauayan City, Isabela- Ikinabahala ng pamunuan ng 5th Infantry Star Division, Philippine Army sa ikinasang kilos protesta ng ilang mga kabataan sa Bulanao, Tabuk City, Kalinga.

Nasa labing pito (17) na mga kabataan ang nagprotesta bitbit ang mga plakards sa harap ng Sangguniang Panlalawigan.

Ngunit, dahil sa maayos na pakikipag-usap ng mga otoridad, hindi rin natuloy ang pinaplano ng mga kabataang magsasagawa ng protesta at sila’y matagumpay na napaalis sa lugar.


Matatandaan na sa idinaos na senate hearing, isiniwalat ng mga sumukong miyembro ng rebeldeng NPA ang ginagawang panggagamit ng mga militanteng grupo sa mga kabataan.

Naniniwala ang 5th ID na isa itong patunay na nilalason ng mga makakaliwang grupo ang kaisipan ng mga kabataan upang magrebelde laban sa pamahalaan maging sa kanilang sariling pamilya.

Nanawagan naman si BGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5ID sa mga magulang, mga guro at maging sa mga lokal na pinuno ng pamahalaan, na magtulungang bantayan ang mga kabataan upang hindi sila magamit ng mga militante at rebeldeng grupo.

Pinaalalahanan din ni BGen Mina ang mga magulang na bantayan ang mga anak upang matiyak na hindi sila maliligaw ng landas at hindi sasampa sa rebeldeng grupo.

Facebook Comments