Isinulong sa Senado na maibalik ang P2.6 billion na tinapyas ng Kamara sa panukalang pondo ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa susunod na taon.
Ayon kay Senator Cynthia Villar na siyang nagdedepensa sa budget ng DAR ang nabanggit na halaga ay alokasyon sa Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.
Paliwanag ni Villar, sa ilalim ng nabanggit na programa ginagawan ng hiwa-hiwalay na titulo ang mga lupain na ipinamimigay sa mga magsasaka na ngayon ay nakapaloob sa isang malaking titulo na collective certificates of land ownership awards (CCLOA).
Diin ni Villar, ang SPLIT project ay mahalaga sa pagkamit ng layuning maiahon sa kahirapan ang mga benepisyaryo ng DAR.
Giit ni Villar, ang bahagi ng P24.6 billion na pondo para sa SPLIT project ay hindi maaring gamitin sa iba dahil ang P19.24 billion dito ay utang sa World Bank at ang P5.38 billion naman ay mula sa gobyerno.
Sinuportahan si Villar nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Panfilo “Ping” Lacson.
Hinala ni Lacson, posibleng inilapat ng Kamara ang nabanggit na salapi sa farm to market road budget ng Department of Agriculture.
Sabi ni Lacson, sa budget version ng Kamara ay nadagdagan iyon ng P1.97 billion kaya naging P6.9 billion mula sa dating P4.98 billion.
Paliwanag naman ni Drilon, ang mga inuutang ng gobyerno ay hindi maaaring ilipat sa iba dahil para ito sa espesipikong proyekto na kapag hindi nagamit at magkakaroon ng tubo at magbabayad ang pamahalaan ng P11 million na commitment fee.