Kinarnap na Sasakyan, Nabawi ng May-ari Matapos Maaksidente ang mga Suspek!

Cauayan City, Isabela- Hindi rin nagtagumpay ang mga suspek na tumangay ng isang sasakyan matapos na maaksidente ang mga ito sa Barangay Sta. Barbara, Iguig, Cagayan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, pasado alas 9:00 kagabi nang maaresto ng mga alagad ng batas ang mga salarin na kinilalang sina Ibrahim Lejos, 18 anyos, estudyante; Christian Balunsat,18 anyos, estudyante; Jomar Barcelon, 21 anyos, merchandizer at Jeremiah Rey, 17 anyos, estudyante at pawang mga residente ng Brgy. Nattanzan, Iguig, Cagayan.

Una rito, dakong alas 7:00 kagabi nang iulat sa himpilan ng pulisya ng biktimang si Marcial Pelovello, 51 anyos, may-asawa, negosyante at residente rin ng naturang barangay na nawawala ang ipinarada nitong Mitsubishi Lancer na may plakang TPH 663 sa kanilang bakuran.


Makalipas ang ilang oras ay nakatanggap naman ng impormasyon ang pulisya na may nangyaring aksidente sa brgy Sta. Barbara at habang iniimbestigahan ang insidente ay nabatid na ang sasakyang nahulog sa hukay na mimaneho ni Ibrahim Lejos kasama ang ilan pang mga suspek ay pareho sa nawawalang sasakyan ng biktima.

Dahil dito, agad na dinakip ang mga suspek at dinala sa himpilan ng pulisya.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10883 (New Anti- Carnapping Act of 2016) at RA 11332.

Facebook Comments