Ayon kay DOH Sec. Francisco Duque III, ang unang kaso ay galing sa isang 38-anyos na Chinese national mula Wuhan China na dumating sa bansa galing sa HongKong noong January 21.
Nagpakonsulta umano ang pasyente sa isa sa mga government hospitals sa bansa noong Enero 25 matapos na makaranas ng bahagyang ubo.
Sabi pa ni Duque, hindi nagpakita ng anumang sintomas ng n-cov ang babae maliban sa ubo.
Paliwanag naman ni DOH Director Chito Avelino ng Epidemiology Bureau, nagsasagawa na sila ng contact tracing at tinutunton ang mga taong nagkaroon ng close contact sa pasyente.
Kasama aniya ang Cebu at Dumaguete na kanilang tututukan na pinuntahan ng nasabing babaeng Chinese.
Sa ngayon, nasa 23 katao pa rin ang ‘under investigation’ na posibleng apektado ng sakit.
Nagpaalala naman si Duque sa publiko na huwag mabahala at sundin na lang ang mga precautionary measures na ilalabas ng DOH.