Minaliit ng mga miyembro ng Senate Committees on Ways and Means at Public Order and Dangerous Drugs ang kita na nakukuha ng pamahalaan mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Idinaos ngayong araw ang pagdinig matapos na mabusisi sa naunang imbestigasyon ng Public Order Committee na naging laganap na ang krimen na kinasangkutan ng mga POGOs.
Sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ukol sa mga pakinabang ng ekonomiya at ng lipunan sa POGO, lumalabas na maliit lang ang nakokolektang kita mula sa POGO.
Sa presentasyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR), sinabi ni Director Sixto Dy na mula Enero hanggang Agosto 2022, nasa kabuuang ₱4.438 billion ang tax collection sa POGO mula sa P3.91 billion POGO tax collection noong 2021.
Samantala, sa presentasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), mula 2016 hanggang sa mahigit kalahating taon ng 2022 ay aabot sa ₱30.886 billion ang POGO tax collection.
Pero napuna ni Gatchalian na maliit pa rin ang nalikom na kita ng gobyerno mula sa POGO dahil kung titingnan halimbawa aniya ang 2021, sa ₱35 billion na kinita ng PAGCOR, ₱3.5 billion dito ay revenue mula sa POGO at ito ay 9% lang sa kabuuang kita ng ahensya.
Ganito rin aniya noong 2019 kung saan ₱82 billion ang kinita ng ahensya noong pre-pandemic level pero P8 billion lang ang POGO revenue na katumbas din ng 9% ng total revenue ng PAGCOR.
Maliban sa maliit na kita sa POGO, napuna naman ni Senator Joel Villanueva ang hindi pagtaas sa bilang ng mga Filipino workers mula 2019 hanggang 2022.
Mula 2019 na nasa 20,956 ang Filipino workers sa POGO ay bumaba pa ito sa 16,736 na mga Pilipinong empleyado ngayong 2022.