Suspendido ang klase sa tatlong paaralan sa Juban, Sorsogan dahil sa epekto ng ashfall kasunod ng pagsabog ng Bulkang Bulusan kahapon.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga paaralang walang pasok ngayong araw ay ang Puting Sapa Elementary School, Sangkayon Elementary School, at Añog Elementary School.
Kabilang din sa mga lugar na apektado ng ashfall ay ang Juban, Casiguran, at Irosin.
Matatandaang mula sa Alert Level 0 ay itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 1 ang Mt. Bulusan matapos makapagtala ng phreatic eruption na tumagal ng 17 minuto.
Samantala, inihayag naman ni PHIVOLCS Director Renato Solidum na posibleng magkaroon ng lahar flow mula sa Bulkang Bulusan, kung makakaranas ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan, partikular sa Northwest side ng bulkan.
Pinaalalahanan din ng PHIVOLCS ang mga residenteng malapit sa bulkan na hangga’t maaari ay magsuot ng mga N95 face masks para maiwasan ang mga sakit na maidudulot ng ashfall.