Thursday, February 12, 2026

KOLEKTOR NG BASURA SA MABINI, ARESTADO SA KASONG PANGGAGAHASA NG MENOR DE EDAD

Arestado ang isang 43-anyos na kolektor ng basura at residente ng Mabini, Pangasinan matapos isilbi sa kanya ang warrant of arrest kaugnay ng kasong panggagahasa o qualified rape laban sa isang menor de edad.

Isinagawa ang pag-aresto noong Pebrero 10, 2026 sa pamamagitan ng magkasanib na operasyon ng Mabini Police Station at ng Provincial Intelligence Unit ng Pangasinan Police Provincial Office.

Ang suspek ay itinuturing na Top 1 Most Wanted Person sa naturang bayan.

Nahaharap ang akusado sa kasong paglabag sa Article 266-A kaugnay ng Article 266-B ng Revised Penal Code, na walang inirekomendang piyansa.

Kasalukuyan itong nasa kustodiya ng Mabini Police Station para sa dokumentasyon at iba pang kaukulang proseso bago ilipat sa tamang pasilidad ng detensyon.

Patuloy naman ang panawagan ng kapulisan sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga pinaghahanap ng batas upang mapabilis ang paghahatid ng hustisya.

Facebook Comments