Planong sampahan ng reklamong administratibo ng Lokal na Pamahalaan ng Marikina ang kompanyang BF City sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kaugnay ito ng isinasagawang reclamation project ng naturang kompanya sa isang bahagi ng Marikina River.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, sinabi ng alkalde na walang Environmental Compliance Certificate (ECC) ang ginawang pagtatambak ng lupa sa nasabing parte ng ilog.
Paliwanag nito, ang lugar na iyon ay tinatawag nilang ‘flood plain’ o ang puntahan ng baha sa oras na tumaas ang tubig sa ilog ng marikina.
Napag-alaman pa na tinaasan ng BF City ang nasabing lugar ng hanggang 22 metro kaya’t lahat ng tubig ay napunta sa kabilang pampang ng ilog.
“Ang ginawa nila ay tinaasan nila ito ng 22 meters ang elevation. Yung kabilang pampang ay mababa kaya ang nangyari yung tubig, hindi makapunta doon sa flood plain kundi pumunta sa mas mababang lugar. Ito yung Sitio Olandez na dati naman ay hindi binabaha o kung binabaha man ay hindi ganon kataas.” ani Teodoro.
Dahil diyan ay nais paimbestigahan ni Teodoro sa DENR para malaman ang environmental impact ng proyekto sa Marikina River at sa kalapit na barangay.
Aniya, tanging ang ahensya lamang ang makakapagsabi kung ang proyekto bang ito ay nakadagdag sa dahilan kung bakit naging malubha ang pagbaha sa lungsod ng Marikina.