Hiniling ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate sa Bureau of Internal Revenue o BIR na bigyan ang kaniyang tanggapan ng kopya ng mga pinakahuling demand letter kaugnay sa mga utang na buwis ng pamilyang Marcos.
Sa liham na ipinadala ni Zarate kay BIR Commissioner Cesar Dulay, kabilang din sa hinihinging kopya nito ang tax assessment sa mga ari-arian ng mga Marcos kasama ang kasalukuyang computation sa penalties o multa, delinquency interests at deficiency interests sa kabuuang tax liability due.
Ang apela ng kongresista sa BIR ay nakahanay sa inihaing House Resolution 2553 na nagpapaimbestiga sa hindi pa nababayarang estate tax ng mga Marcos na lumobo na sa P203 billion at ang agarang pagpapabayad nito sa gobyerno.
Tinukoy sa liham na bagama’t matagal nang idineklarang tapos ng Korte Suprema ang estate tax assessment case ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., mahalaga pa ring maipatupad ng mga ahensya ng gobyerno ang desisyon ng korte.
Iginiit din nito na hindi sapat ang demand letter na ipinadala ng BIR sa naiwang pamilya ng dating diktador para mapunan ang obligasyon nila sa gobyerno.
Importante rin aniyang maipaalam sa publiko kung anong update na sa pagtupad ng mga Marcos sa mga kasong may kaugnayan sa kanilang mga pagkakautang sa taumbayan.