Kongresista, minaliit ang plano ng NEDA na doblehin ang kabuuang halaga ng fuel subsidy

Minaliit ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate ang pahayag ni National Economic Development Authority (NEDA) Sec. Karl Chua na doblehin ang halaga ng fuel subsidy.

Iginiit ng kongresista na hindi pa rin sapat ang fuel subsidy para sa pampublikong transportasyon kahit ito ay doblehin pa mula sa P2.5 billion tungo sa P5 billion.

Sinabi ng mambabatas na tinatarget ng NEDA na doblehin ang naturang subsidiya para sa public transportation gayong ang kasalukuyang P2.5 billion na subsidiya sa mga PUV operators at drivers ay hirap ngang maipamahagi ng gobyerno.


Maliban sa napakabagal sa pag-rollout ng subsidiya, sinabi ni Zarate na limitado lamang ang matutulungan nito gayung lahat naman ay apektado ng walang prenong taas-presyo sa produktong petrolyo.

Kaya giit ng kongresista, pinakamabuting solusyon pa rin ay ang pansamantalang suspensyon ng excise tax sa mga produktong langis, na hindi lamang makakatulong sa mga itinuturing na “vulnerable sectors” kundi maging sa milyong-milyong Pilipino na naghihirap pa rin mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments