Manila, Philippines – Nagbabala si Kabataan Partylist Representative Sarah Elago sa posibleng pagkawala ng independence ng hudikatura at ang paglawak ng diktaturya ni Pangulong Duterte dahil sa pagkakatalaga kay Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta.
Ayon kay Elago, nakakabahala ang pangongondisyon ng Pangulo sa isipan ng mga Pilipino sa pagbalewala sa separation of powers ng mga sangay ng gobyerno.
Binanggit ng kongresista ang kasaysayan ng pagboto ni Peralta pabor sa mga desisyon ng Kataas-taasang Hukuman na hindi kumakatawan sa interes ng mamamayan.
Kabilang na rito ang pagiging ponente ni Peralta sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, pagboto pabor sa pag-aresto kay Senadora Leila De Lima at pagpapatalsik kay Maria Lourdes Sereno bilang Chief Justice.
Dagdag pa dito ang pagpabor ni Peralta sa extension ng Martial Law sa Mindanao, pagpapawalang-sala kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kasong plunder, pagpiyansa ni dating Senate President Juan Ponce Enrile sa plunder charges at pag-iinhibit sa pagpapatibay sa kaso ni dating Senador Jinggoy Estrada.
Hiniling ng mambabatas na maging mapagmatyag ang publiko sa mga susunod na hakbang ni Peralta bilang bagong Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman.